Flying Spikers binigo ang Power Attackers

MANILA, Philippines - Naghatid ng 27 excellent sets ang batang setter na si May Macatuno pa­ra gumanang muli ang opensa ng AirAsia Fl­ying Spi­kers at tapusin ang da­lawang sunod na  ka­bi­guan sa bisa ng 24-26, 25-19, 25-20, 25-18 pa­nalo sa PLDT TVolu­tion Power Attackers ka­hapon sa 2014 PLDT Home-Philip­pine SuperLi­ga (PSL) All-Filipino Conference volleyball tourna­ment sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Dahil nakuha na ang kan­yang laro, sina Cha Cruz at Aby Maraño ang nag­salitan sa pag-atake, habang matibay din ang de­pensa ng Flying Spi­kers upang umangat sa  3-2 karta sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog ng PLDT Home DSL katuwang ang Mi­ka­sa,  Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equip­ment, LGR, Bench at Healthway Medical.

May 14 kills tungo sa 19 puntos si Cruz, habang ang  number two pick na si Maraño ay nagdagdag ng 17 puntos katulad ng ibi­nigay ni Stephanie Mer­cado.

Nagtala pa ng apat na blocks si Cruz at ganito rin ang ibinigay ni Michelle Laborte para kunin ng AirAsia ang 18-3 kalamangan sa departamento sa Power Attackers.

“Mahalaga itong pa­na­long ito para sa pagha­ha­bol ng puwesto sa next round,” wika ni coach Ramil de Jesus na sinimulan ang kampanya tangan ang dalawang sunod na pa­nalo.

Nasa solong ikatlong pu­westo ang Flying Spi­kers sa pitong koponang liga at ang huling laro nila ay laban sa walang talong Petron Lady Blaze Spi­kers sa Hulyo 5 sa Cebu Ci­ty.

Bumaba ang Power Attackers sa 2-3 karta at hindi napangatawanan ng koponan ang malakas na panimula nang hindi mapigil sina Cruz at Ma­raño.

Si Sue Roces ay may 16 puntos at 11 digs, habang si Lou Ann Latigay ay 11 pero ang ibang kamador ng PLDT ay wala sa kondisyon.

 

Show comments