Flying Spikers asam ang 3rd win sa pagsagupa sa Power Attackers

MANILA, Philippines - Patutunayan ng AirAsia na kaya nilang makipag­sabayan sa mabibigat na koponang kalahok sa 2014 PLDT Home-Philippine SuperLiga (PSL) All-Fili­pino Conference sa pag-asinta ng panalo laban sa PLDT Home TVolution Power Attackers ngayon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.

Dalawang sunod na talo sa Generika-Army at RC Cola-Air Force Raiders ang nalasap ng Flying Spi­kers para masayang ang naunang dalawang panalo sa ligang inorganisa ng Sports Core at handog  ng PLDT Home-DSL bukod sa suporta ng Mikasa, Asics, Mueller Tapes, Jinling Sports Equipment, LGR, Bench at Healthway Medical.

Asahan na bibigyan sila ng magandang laban ng Power Attackers na kasalo ng AirAsia at pahingang Ge­nerika-Army sa ikatlong puwesto sa 2-2 karta.

Galing sa pagkatalo ang PLDT sa kamay ng Rai­ders pero dalawang linggo silang napahinga.

Ito rin ang kauna-unahang pagkikita muli ni da­ting Ateneo coach Roger Gorayeb at Ramil De Jesus at magda­ragdag interes ang tagisan sa bench ng dalawang mahuhusay na coaches.

Nagtuos sina Gorayeb at De Jesus sa UAAP Finals noong 2012 at napagwagian ito ng Lady Archers.

Magbabaka-sakali naman ang Cagayan Valley Lady Ri­sing Suns na kunin ang ikalawang panalo ma­tapos ang limang laro sa pagharap sa walang pana­long Cignal HD Lady Spikers sa ikalawang laro sa women’s division sa alas-5, habang ang huling ta­gisan sa alas-7 ng gabi ay sa pagitan ng Cignal at IEM sa men’s division.

Show comments