May bagong pambato ang Pinoy sa billiards Ignacio pasok sa China Open 9-Ball finals
MANILA, Philippines - Nagpakilala agad ang baguhang manlalaro ng Pilipinas na si Jeffrey Ignacio nang pumasok ito sa China Open 9-ball men’s finals na ginagawa sa Pudong Yuanshen Stadium sa Shanghai, China.
Tinalo ng manlalaro ng Bugsy Promotions ang stablemate at beteranong si Carlo Biado, 11-6, sa semifinals para ikasa ang pagtutuos nila ni Taiwanese pool player Chang Yu Lung na pinagpahinga ang kababayang si Ronglin Chang, 11-4.
Ang labanan sa titulo ay ginawa kagabi at ang mananalo ang makakakuha ng tumataginting na $40,000.00 unang gantimpala.
Naabot ni Ignacio na bumangon sa loser’s side sa Group C sa group elimination, ang yugto nang manalo kina Karl Skowarski ng Poland, 11-8, John Morra ng Canada, 11-8 at dating world champion Mika Immonen ng Finland, 11-6.
Sa kabilang banda, ang beteranong si Chang na kampeon ng kompetisyon noong 2010 ay pinatalsik ang nagdedepensang kampeong si Lee Van Corteza ng Pilipinas, 11-9, sa quarterfinals.
Ang iba pang sinibak ni Chang ay sina Mateusz Sniegocki ng Poland, 11-5 at Chu Bing Jie ng China, 11-6.
Hindi naman pinalad sina Dennis Orcollo at Johann Chua nang masibak sa second round laban kina Biado at Ronglin.
Sa dikitang 11-10 natalo si Orcollo habang sa 11-7 yumuko si Chua kay Ronglin.
Namaalam na si Rubilen Amit sa tagisan sa kababaihan nang yumuko kay Yu Han ng China, 9-7, sa quarterfinals.
Ang isa pang lady pool player ng bansa na isinabak sa kompetisyon na si Iris Ranola ay hindi nakalusot sa group elimination.
- Latest