Sonsona babawi kay Vasquez

MANILA, Philippines - Pagkakataon ngayon ni Marvin “Marvelous” Son­sona na mai­ba­ngon ang kanyang karangalan sa muling pagharap kay Wilfredo Vasquez Jr. ng Puerto Rico sa Madison Square Garden sa New York City.

Inilagay ang nasabing rematch nina Sonsona at Vasquez sa 10 rounds at ang mananalo ang siyang mag-uuwi sa bakanteng North America Bo­xing Fe­deration (NABF) fea­therweight belt.

Higit sa titulo, ang mai­baon sa limot ang ti­namong fourth round knockout na pagkatalo kay Vasquez sa kanilang unang  pagtutuos noong Peb­rero 27, 2010 ang siyang nasa isipan ni Son­so­na.

“It’s my time now,” wi­ka ni Sonsona matapos tumimbang ng 125.8 pounds sa weigh-in kaha­pon.

Bukod sa masinsinang pagsasanay ay sinasandalan din ng 23-anyos na tubong General Santos City boxer ang angking height advantage laban sa katunggali.

Si Vasquez na tumim­bang kapareho kay Sonsona ay naghayag ng pag­nanais na patulugin muli ang karibal upang alisin ang pagdududa sa kanyang kakayahan.

Marami ang nagsasa­bing lipas na ang galing ng dating WBO super ban­tamweight champion matapos magtala ng tatlong panalo at tatlong talo sa huling anim na laban.

May 23 panalo sa 27 laban si Vasquez, habang si Sonsona na dating kam­peon ngWBO super flyweight ay may 18-1-1 baraha.

Si Harvey Dock ang re­fe­ree  at ang mga hura­do ay sina Julie Lederman, Mi­chael Pernick at John Po­turaj.

 

Show comments