Humirit pa ang Indiana

INDIANAPOLIS -- Humugot si Paul George ng 21 sa kanyang 37 points sa fourth quarter para pa-ngunahan ang Pacers sa 93-90 panalo laban sa Miami Heat sa Game 5 para makaiwas na masibak agad sa kanilang serye.

Nauna nang nagtala ang 24-anyos na All-Star ng playoff career high na 39 points sa Game 4 kontra sa Washington Wizards sa nakaraan nilang serye at na-bigong pantayan ang 41 markers ni Reggie Miller para sa franchise record ng Indiana sa isang playoff game.

“I just felt it. I felt in rhythm. I had to be aggressive,’’ sabi ni George. “I tried to come out and be aggressive to start this game off and I was getting looks. I got hot.’’

Nagposte si George ng 12-of-19 fieldgoal shooting sa second half at tumapos na may 6 rebounds at 6 steals at kumonekta ng limang 3-pointers sa loob ng 45 minuto.

Inilapit ng Indiana sa 2-3 ang kanilang Eastern Conference finals ng Miami. Diniskaril din ng Pacers ang asam na pang-apat na sunod na paghahari ng Heat sa Eastern Conference.

Ang Game 6 ay nakatakda sa Biyernes sa Miami.

Nalimitahan naman ng Indiana si four-time MVP LeBron James sa playoff-low na 7 points, 2 rebounds at 4 assists sa loob ng 24 1/2 minuto bunga ng pagkakalagay niya sa foul trouble para sa Miami.

 

Show comments