Happy ending para sa FEU spikers

MANILA, Philippines - Hanggang sa huli ay naipakita pa rin ng FEU Lady Tamaraws ang ipinagmamalaking teamwork upang makumpleto ang makasaysayang pagtatapos nang kunin ang kampeonato sa Shakey’s V-League Season 11 First Conference sa pamamagitan ng 25-21, 25-23, 25-18, panalo sa National University kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Napuno ang palaruan at mas marami ang supporters ng Lady Tamaraws at hindi naman sila nabigo sa inasahang resulta sa Game Two nang muling nagtuwang sina guest players Rachel Ann Daquis at Jovelyn Gonzaga at mga bata pero mahuhusay na sina Bernadette Pons, Mary Palma at Yna Papa.

Si Daquis ay may 15 puntos mula sa 12 kills at 2- blocks, si Pons ay mayroong 10 kills at tatlong service aces at si Gonzaga ay mayroong 11 kills at pitong digs.

May 21 excellent sets si Papa para maisakatuparan ng Lady Tamaraws na masungkit ang kauna-unahang titulo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s sa di inaasahang 2-0 sweep sa best-of-three championship series.

“Naging consistent ang mga players ko. Ipinakita rin nila na kahit anong mangyari, kahit malalaki ang kalaban namin ay ibibigay pa rin namin ang best namin at nagawa namin ang lahat ng gusto naming gawin,” wika ni FEU coach Shaq delos Santos.

Ang MVP ng liga na si Dindin Santiago ng NU ay mayroong 12 hits pero siya lamang ang tila nasa kondisyon para harapin ang hamon ng FEU dahil wala ng iba pang Lady Bulldogs ang nasa doble-pigura para maisuko ang hawak na titulo.

Ilan sa mga errors ng NU ay mula sa serve upang mabigyan ng pagkakataon ang FEU na mabawi ang anumang momentum na tila hawak na ng Lady Bulldogs.

Ang service error ni Santiago na nasundan ng ma-lakas na atake galing kay Myla Pablo ang nagbigay sa FEU ng 24-17 kalamangan sa ikatlong set.

Nabawi ng NU ang isang matchpoint ngunit hindi na pinatagal pa ni Gonzaga ang paghihintay sa magarbong selebrasyon ng mga kapanalig sa isang matinding kill.

Ito ang unang titulo rin ni Gonzaga sa V-League habang ikalawa ito ni Daquis sa liga pero una niya habang suot ang uniporme ng FEU.

Inangkin naman ng Adamson Lady Falcons ang ikatlong puwesto nang pataubin ang UST Tigresses, 25-15, 25-17, 25-22, tungo sa 2-0 sweep.

 

Show comments