MANILA, Philippines - Pinaiyak ng nagdedepensang kampeon Philippine Air Force (PAF) ang naunang napaborang La Salle nang itala ang 25-22, 26-28, 20-25, 26-24,15-7, sa one-game finals sa 2014 Philippine National Games women’s volleyball kahapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Nakita ang tibay ng dibdib ng Air Women nang isantabi ang matchpoint sa fourth set upang maitabla ang laro sa 2-2 bago tuluyang inilabas ang galing sa fifth set tungo sa matagumpay na pagdedepensa sa titulong napanalunan noong nakaraang taon laban sa paboritong Bomberinas.
Mapait na kabiguan ito sa Lady Archers dahil hindi nila napangatawanan ang dominasyon sa elimination round na kung saan hindi sila natalo sa limang laro. Kasama sa kanilang pinaluhod ay ang PAF, 25-22, 25-18, 25-21.
Ang atake ni Ara Galang ang nagbigay ng 24-23 iskor sa fourth set ngunit magkasunod na error ang naitala ng La Salle para makabangon ang PAF at nakuha pa ang set sa 26-24.
Binuksan ng Air Women ang deciding set sa 7-2 start para maalis ang anumang natitirang laban pa ng La Salle na nabigo sa pinuntiryang three-peat sa UAAP nang natalo sa Ateneo kahit may thrice-to-beat advantage.
Lumabas bilang double champion ang Air Force dahil ang kanilang men’s team ay nanalo sa UAAP titlist National University, 25-19, 26-28, 25-20, 25-11, sa naunang laro.
Pinangatawanan naman nina Davis Cupper Patrick John Tierro at Marian Jade Capadocia ang pagi-ging number one ranked netters sa tennis competition nang kunin ang titulo sa men’s at women’s singles sa Rizal Memorial Tennis Center.
Tinalo ni Tierro ang 15-anyos na si Alberto “AJ†Lim, 6-4, 6-3, habang si Capadocia ay nangibabaw kay Khim Iglupas, 6-3, 5-7, 6-1.
Nakapanggulat naman ang 14-anyos na si Cheska Centeno nang silatin ang world champions sa 10-ball na si Rubilen Amit sa finals ng 10-ball sa PSC billiards hall. (AT)