MANILA, Philippines - Ang tanging puwedeng gawin ngayon ng Oklahoma City ay umasa na mauulit ang kasaysayan.
Dalawang panalo na lang ng dominanteng San Antonio Spurs sa Western Conference finals, tapos na ang kuwento ni Kevin Durant at ng Thunder.
Ang Thunder ay baon sa 0-2 sa series kabilang ang 35-point na pagkatalo sa San Antonio sa Game 2 noong Miyerkules ng gabi.
Nabaon din ng ganito kalaki ang Spurs noong 2012 Western Conference finals bago sila nanalo ng apat na sunod at umusad sa NBA Finals.
“We’ve been there before,’’ sabi ni Durant matapos magtala ng 15 points sa kanilang 112-77 pagkatalo. “You know, we try not to just say since we were down 0-2 two years ago and we end up winning, we’ll do the same thing. We’ve really got to figure it out on how we need to get better, and we’ve always done that. We’ve got to just stick together and believe in each other that we can come out and try to get Game 3 on Sunday.’’
Sa unang tingin, parang pareho ang sitwasyon. Parehong may 2-game deficit ngunit mas malaki ang butas ngayon.
Noong 2012, natalo ang Thunder sa unang dalawang laro sa San Antonio sa kabuuang 12 points bago gamitin ang kanilang mas mahusay na athleticism na pinalakas ng suporta ng fans sa Oklahoma City para malampasan ang Spurs.
Sa pagkakataong ito, natalo ang Thunder sa unang dalawang laro ng 52 combined points. Nahihirapang makaiskor sina Durant at Russell Westbrook at walang nagki-click na combination si coach Scott Brooks para pigilan ang Spurs.
Noong 2012, ang Thunder ay may James Harden at Serge Ibaka, dalawang maaasahang supporting players na maaaring umangat kapag humina ang dynamic duo ng Oklahoma.
Sa pagkakataong ito, si Harden ay nasa Houston na at si Ibaka ay nasa bench na may calf injury. Ang mga natitirang role players ng Oklahoma City ay wala pang nagagawa. Ang tatlo pang ibang starters na sina Kendrick Perkins, Thabo Sefolosha and Nick Collison ay may kabuuang 9-points sa dalawang games.