So sigurado na sa titulo sa Cuba chessfest

MANILA, Philippines - Tuluyan nang inangkin ni Filipino Grand Master Wesley So ang titulo ng Capablanca Memorial 2014 matapos makipag-draw kay dating world challenger Vassily Ivanchuk ng Ukraine sa 27 moves ng Sici-lian Defense kahapon sa Habana Riviera sa La Havana, Cuba.

Ang nasabing draw ang sumiguro sa 20-anyos na si So ng korona anuman ang maging resulta ng kanyang ika-10 at huling laro laban sa nagdedepensang si Zoltan Almasi ng Hungary.

Matapos ang nine rounds ay nakalikom na si So ng 6.0 points kasunod si Lazaro Bruzon Batista (5.0) ng Cuba na nakipaghati ng puntos kay Almasi sa 52 moves ng Guioco Piano.

Kung matatalo si So kay Almasi at mananalo si Bruzon kay top seed Leinier Dominguez Perez, ang dalawa ay magtatabla sa No. 1.

Ngunit makukuha pa rin ng Webster University standout ang titulo dahil sa mas maganda niyang tiebreak.

Nauna nang natalo si So kay Dominguez sa Tata Steel Chess sa Netherlands limang buwan na ang nakararaan.

Si So ay nagsasanay sa ilalim ni dating world women’s champion Susan Polgar ng Hungary.

Umakyat si So sa Top 15 mula sa pagiging No. 20 sa likod ng kanyang ELLO rating 2744.9.

 

Show comments