Pacquiao vs Provodnikov may posibilidad

MANILA, Philippines - Bukod sa mananalo sa pagitan nina Juan Manuel Marquez at Mike Alvarado ay maaari ring labanan ni Manny Pacquiao si Russian world light welterweight titlist Ruslan Provodnikov.

Ito ang sinabi ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ukol sa pagkakasama ng pangalan ni Provodnikov sa listahan ng posibleng labanan ng Filipino world eight-division champion sa Macau.

“The winner of Marquez-Alvarado is the big possibility, maybe Ruslan Provodnikov is a big possibi-lity,” wika ni Arum. “There’s a lot of guys out there that will be being considered.”

Tinalo ni Provodnikov si Alvarado para agawin sa Mexican fighter ang suot nitong World Boxing Organization (WBO) light welterweight title.

Sina Pacquiao at Provodnikov ay naging sparmates sa paghahanda ni ‘Pacman’ sa kanyang unang laban kay Timothy Bradley, Jr. noong Hunyo ng 2012.

Ang laban nina Marquez (55-7-1, 40 KOs) at Alvarado (34-2-0, 23 KOs) sa Mayo 17 sa The Forum sa Inglewood, California ay magsisilbing title eliminator.

Ang mananalo sa pagitan nina Marquez at Alvarado ang hahamon kay Pacquiao (56-5-2, 38 KOs) para sa suot nitong WBO welterweight belt.

Hangad ng 40-anyos na maging kauna-unahang Mexican boxer na naghari sa limang magkakaibang weight division.

“That’s what I want to do. I want to make history by winning another world title,” ani Marquez.

 

Show comments