MANILA, Philippines - Opisyal na sinelyuhan ng NLEX Road Warriors ang upuan sa semifinals nang alisan ng kinang ang Cebuana Lhuillier Gems, 76-68, habang nagpatuloy ang laban ng Big Chill Superchargers para sa puwesto sa quarterfinals sa 50-46 tagumpay sa Jumbo Plastic Giants sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Ito ang ikawalong sunod na panalo ng Road Warriors at manga-ngailangan na lamang na talunin ang Superchargers bukas para makumpleto ang 9-0 sweep sa elimination round.
May dalawang tres si Ronald Pascual sa huling yugto para itulak papalayo ang bataan ni coach Boyet Fernandez mula sa naunang mahigpitang labanan.
Tumapos si Pascual tangan ang 14 puntos, mula sa 6-of-13 shooting. Ang kanyang pangala-wang 3-pointer ang nagbigay sa NLEX ng 66-62 kalamangan sa huling apat na minuto ng sagupaan.
Sina Ola Adeogun at Garvo Lanete ay may tig-12 puntos habang si Ba-ser Amer ay may tatlong 3-pointers tungo sa siyam na puntos.
May 15 puntos si Paul Zamar para sa Gems na bumaba sa 5-3 karta.
Pero masuwerte pa rin ang koponan dahil hindi sila nalaglag mula sa ikalawang puwesto matapos manalo ang Superchar-gers sa Giants.
Gumawa ng 13 puntos sa huling yugto si Mar Villahermosa at siyang sumagot sa mga mahahalagang buslo ng Giants upang masungkit ang ikaapat na panalo sa walong laro ng Superchargers.
Nanatili ang kapit ng Aspirants’ Cup runner-up sa ikalimang puwesto para tumatag pa ang paghahabol ng puwesto sa quarterfinals.
May tatlong tres si Villahermosa sa huling yugto at ang ikalawa ay nagbalik sa Big Chill ng kalamangan, 42-41 habang ang pangatlong triple ang nagtulak sa koponan sa 47-43.
Nakapanakot pa ang Giants sa paglapit sa dalawa, 48-46 pero nagkaroon ng inbound violation ang Jumbo Plastic bago sinelyuhan ni Villahermosa ang panalo sa dalawang free throw sa foul ni Jeff Viernes.
Tumapos si Villahermosa bitbit ang 19 puntos habang si Jason Balleste-ros ang nanguna sa Giants sa 15 puntos. (AT)