MANILA, Philippines - Magkakaroon ng mahalagang papel ang darating na 2014 Le Tour de Filipinas para sa pagpili ng mga miyembro ng national team na isasabak sa 17th Asian Games cycling competitions sa Incheon, Korea.
Ayon kay PhilCycling president at Tagaytay City Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino, ang top Filipino finishers sa 2014 Le Tour de Filipinas na magsisimula sa Lunes sa Clark sa Pampanga ay mapapasama sa national pool para sa Asian Games na nakatakda sa Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
“The Le Tour de Filipinas has always been a determinant on how strong our cyclists are because it is an international race participated in not only by the best cyclists in Asia but also potent riders from around the world,†sabi ni Tolentino.
Kabuuang 15 teams ang makikita sa aksyon sa 2014 Le Tour de Filipinas, isinususog ni PhilCycling chairman Bert Lina at inihahandog ng Air21.
Ang 13 dito ay mga foreign teams kung saan ang 10 ay continental squads o professional teams na nakarehistro sa International Cycling Union (UCI).
Ang mga continental teams ay nakabase sa Japan, Korea, Indonesia, Malaysia, Brunei, Singapore, Ireland at Iran.
May tatlo ring clubs teams mula sa Mongolia, Australia at Kazakhstan bukod pa sa United Arab Emirates national team.
Tanging dalawang local teams -- ang 7-Eleven Road Bike Philippines at ang Philippine Navy-Standard Insurance—ang kasali sa karerang itinataguyod ng Smart, NLEX, SCTEX, TPLEX, BCDA, Petron at Victory Liner.
Si 2012 Le Tour de Filipinas winner Jonifer ‘Baler’ Ravina ang inaasahang magdadala sa kampanya ng bansa.
Inorganisa katulong ang UBE media, ang 2014 Le Tour de Filipinas ay suportado din nina Olongapo City Mayor Rolen Paulino, Cabanatuan City Mayor Julius Cesar Vergara, Nueva Vizcaya Governor Ruth Rana Padilla at Baguio City Mayor Mauricio Domogan.
Si Irishman David McCann ang naghari sa inaugurals noong 2010 kasunod si Emami ng Iran noong 2011at dating No. 1 sa Asia na si Ghader Mizbani noong nakaraang taon.