Power Pinoys inilaglag ng Qatar Al-Rayyan

MANILA, Philippines - Namaalam na ang PLDT TVolution Power Pinoys sa kampeonato sa Asian Men’s Club Volleyball Championship matapos isuko ang 17-25, 14-25, 21-25, straight sets pagkatalo sa Al-Rayyan ng Qatar sa quarterfinals kagabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Ang 2004 Athens at 2012 London Olympian na si Cristian Savani ng Italy ay nagpakawala ng 17 kills tungo sa 19 puntos para pangunahan ang dominanteng paglalaro ng Al-Ray-yan at umusad sa semifinals sa ligang handog ng PLDT Home Fibr at inorganisa ng Sports Core katuwang ang Philippine Volleyball Federation.

Nahirapan din ang Power Pinoys na ilusot ang malalakas na hataw sa bola sa naglalakihang katunggali sa pamumuno ng 6’10” blocker na si Ibrahim Saeed.

Magandang bilang ng manonood ang sumipot para saksihan ang quarterfinals at sikaping itaas ang morale ng host team.

Ngunit sa third set lamang nakapagbigay ng disenteng laban ang Power Pinoys nang makalamang pa ng hanggang dalawang puntos, 11-9.

Sina Alhachdadi Mohamed at Gerardo Yosleyder Cala ay may tig-10 puntos habang ang Pilipinas ay pinangunahan ni Australian import Cedric Legrand sa kanyang siyam na puntos.

Ang nakuhang karanasan ng host team ay sasandalan para tumaas pa ang kanilang lebel sa pagharap uli sa South Gas Club Sports ng Iraq upang madetermina kung sino ang lalaban sa battle-for-fifth place sa pagtatapos ng kompetisyon bukas.

Matatandaang yumuko ang Power Pinoys sa Iraq sa tagisan sa Group A.

 

Show comments