Maraming sinuwerte sa Good Fortune: Nalo sa Handicap Race 2

MANILA, Philippines -Tulad ng kahulugan ng kanyang pangalan, nagbigay ang kabayong Good Fortune ng suwerte sa mga kapanalig nang manalo bilang dehadong kabayo sa bakuran ng MetroTurf sa Malvar, Batangas noong Linggo.

Sampung kabayo ang naglaban sa huling karera na isang Handicap Race 2 at inilagay sa 1,400-metro distansya. Ang Good Fortune na hinawakan ni class D jockey EL Blancaflor ay hindi napaboran bunga ng panglimang pagtatapos noong Marso 30 sa isang karera na pinaglabanan sa sprint distance na 900-metro.

Pero naipakita ng limang taong colt na mas bihasa ito sa mas mahabang distansya nang mapangatawanan ang paglayo sa mga  katunggali matapos sapitin ang likuran.

Sinikap ng mga kabayong Barbie at Jans Music na isa sa napaboran sa karera na habulin ang nasa unahang katunggali.

Pero buo pa rin ang Good Fortune at nanalo ng mahigit tatlong dipa laban sa sa Janz Music na ginabayan ng isa ring class D jockey na si RF Torres.

Nabiyayaan ang mga naniwala sa husay ng Good Fortune ng P152.50 sa win habang ang forecast na 8-2 ay may mas malaking P807.50 na ipinamahagi.

Nakabawi naman ang Consolidator sa ‘di magandang ipinakita sa huling takbo nang daigin ang El Li-bertador sa Special Class Division race sa 1,400-metro distansya.

Ibinalik ang kabayo sa pagdiskarte ni KB Abobo at naisantabi ng tambalan ang ipinataw na 57 kilos handicap weight matapos ang banderang-tapos na panalo.

Ang Señor Vito at El Libertador ang dumikit sa Consolidator pero ang una na sakay ni Rodeo Fernandez at mayroon ding 57 kilos handicap weight ay bumitiw papasok sa far turn.

Lumapit pa ang El Libertador sa pagdadala ni AR Villegas at may top weight na 58 kilos ng kalahating dipa pagpasok sa rekta ngunit ubos na ang apat na taong colt para maagwatan ng Consolidator ng dalawang dipang kabayo sa meta.

Tumapos lamang sa ikalimang puwesto sa hu-ling takbo sa pagdadala ni JD Juco, ang pitong taong Consolidator na minsan ay ginawaran ng parangal bilang pinakamahusay sa sprint ay naghatid pa ng P25.00 sa win.

Ang dehadong 1-9 tambalan sa forecast ay naghatid ng P144.50 dibidendo.

Lumabas bilang pinakaliyamadong kabayo na nanalo ay ang Shining Moment na sinakyan ni Jonathan Hernandez sa Handicap Race 4 at inilagay sa 1,200-metro distansya.

Humarurot agad ang apat na taong filly na pag-aari ni dating Philracom commissioner Marlon Cunana sa pagbubukas ng aparato at hinayaan lamang ang Faithfully  na maghabol nang maghabol hanggang sa natapos ang karera.

May P5.50 dibidendo ang win ng Shining Moment na pumangatlo sa huling karera, habang ang nadehadong kombinasyon  na 4-2 ay naghatid ng P26.50 sa forecast.

 

Show comments