CLEVELAND -- Muli na namang nalugmok si Kyrie Irving dahil sa isang injury at masakit ito para sa Cavaliers.
Dalawang linggo ang ipapahinga ni Irving bunga ng strained tendon sa kanyang kaliwang braso na magkakaroon ng epekto sa tsansa ng Cleveland na makapasok sa NBA playoffs sa hu-ling buwan na lamang na natitira sa regular season.
Nasaktan si Irving sa first half sa kanilang kabiguan sa Los Angeles Clippers noong Linggo.
Hindi na nagbalik ang All-Star point guard matapos imintis ang kanyang limang tira kasunod ang pagsailalim niya sa medical evaluation at treatment.
Umuwi siya kasama ang Cavaliers noong Lunes at dumaan sa isang MRI kung saan nakita ang strain sa ‘long head tendon’ sa kanyang biceps, pahayag ng Cavs.
Sinabi ng Cavs na malalaman ang gagawing treatment depende sa kalagayan ng kanyang litid.
Hindi makakalaro si Irving sa walo sa huling 15 laban ng Cleveland kung saan siya ang leading scorer at best player.
Ito ay magiging mahirap para sa Cavs (26-41) na nagnanais na makuha ang eighth playoff spot sa Eastern Conference.
Drummond pahinga muna vs Denver
DETROIT -- Hindi makikita sa aksyon si Pistons center Andre Drummond sa pagsagupa ng koponan kontra sa Denver Nuggets sa Miyerkules matapos magkaroon ng neck injury kamakailan.
Idinagdag pa ng Detroit na posible ring hindi maglaro si Drummon laban sa Phoenix Suns sa Biyernes.
Nasaktan ni Drummond ang kanyang sarili sa first quarter sa kanilang kabiguan sa Indiana Pacers noong Sabado.
Sinasabing natamaan siya sa leeg ni Roy Hibbert ng Pacers sa isang agawan sa bola sa ilalim ng basket.
Nagtatala si Drummond ng mga averages na 13.1 points at 12.8 rebounds a game sa season.