ACCEL-PBA Press Corps Player of the Week: Ian Sangalang (San Mig Coffee) 13.0 pts, 6.0 rbs

MANILA, Philippines - Ito pa lamang ang ikalawang komperensya ni Ian Sangalang bilang rookie forward ng San Mig Coffee.

At mismong si head coach Tim Cone ay nagugulat sa ipinapakitang laro ng dating pambato ng San Sebastian Stags sa 2014 PBA Commissioner’s Cup.

Sa 90-80 panalo ng Mixers laban sa Ginebra Gin Kings noong Linggo ay umiskor si Sangalang ng walo sa kanyang 10 puntos sa mahalagang bahagi ng fourth quarter.

“He just doesn’t blink in the fourth quarter,” wika ni Cone kay Sangalang. “When the pressure is on, it doesn’t matter who is guarding him whether it’s Japeth (Aguilar) or the import. He just doesn’t back down, he’s not afraid.”

Dahil sa kanyang ipinamalas na husay sa pagtulong sa San Mig Coffee na maitayo ang malinis na 2-0 record sa second conference ay kinilala si Sangalang bilang Accel-PBA Press Corps PBA Player of the Week para sa linggo ng Marso 10-16.

Kumamada ang No. 2 overall pick ng 2013 PBA Rookie Draft ng mga averages na 13.0 points at 6.0 rebounds sa unang dalawang laro ng Mixers sa komperensya.

Bago ang panalo laban sa Ginebra ay kumolekta si Sangalang ng 16 points at 5 rebounds sa 91-75 pananaig ng San Mig Coffee laban sa Globalport noong nakaraang Miyerkules.

Naglalaban pa kagabi as of presstime ang Alaska at Air21 sa pagsisimula ng Monday games schedule ng PBA.

Show comments