ORLANDO, Fla. -- Naranasan ni Dwight Howard ang pinakamasamang pagtanggap sa kanya sa kanyang NBA career noong nakaraang season nang bumalik siya sa lugar na kanyang pinaglaruan ng unang walong seasons.
Sa kanyang ikala-wang pagbabalik ay ibang jersey ang kanyang suot at muli niyang tinalo ang kanyang dating koponan.
Umiskor si James Harden ng 31 points, kasama dito ang 25 sa second half, para pangunahan ang Houston Rockets sa 101-89 paggupo sa Orlando Magic.
Humakot naman si Howard ng 19 points at 14 rebounds para sa Rockets na dinomina ang Magic sa shaded lane, 58-26.
“I think last year was a little more emotional, coming back here and seeing a lot of old faces,’’ sabi ni Howard, may 3-1 record ngayon laban sa Magic bilang dating miyembro ng Lakers at ngayon ay Rockets. “But this year, I just wanted to come in and get a good win.’’
Iniwanan ng Orlando ang Houstons sa second quarter ng 14 points, ngunit nakahugot kay Howard ng 11 points sa third quarter para kunin ang 10-point lead papasok sa fourth period.
Sa Portland, Oregon, umiskor si Nicolas Batum ng 14 points at kumolekta ng career-high na 18 rebounds para igiya ang Portland Trail Blazers sa 102-78 panalo laban sa Atlanta Hawks na tumapos sa NBA-record streak na 127 laro ni guard Kyle Korver na may three-point shot.
Nalampasan na ni Korver ang record na 89 sunod na larong may tres si Dana Barros na itinala noong 1994-96.
Nagposte si Korver ng 0-for-5 shooting sa 3-point range kontra sa Blazers.
Nakuha ng Portland, lumamang ng 29 points, ang kanilang ikaanim na panalo sa huli nilang pitong laro.
Ito ang ikaapat na sunod na kamalasan ng Hawks at 12 sa huli nilang 13 asignatura.