Watanabe napiling Driver of the year
MANILA, Philippines - Kinumpleto ni Superbikes champion Tadahito ‘Dashi’ Watanabe ang kanyang pagbabalik sa racing scene matapos hirangin bilang 2013 Golden Wheel Driver of the Year sa katatapos na 11th Golden Wheel Awards Night sa Samsung Hall of SM Aura sa Fort Bonifacio Global City sa Taguig City.
Marami ang nagulat sa panalo ni Watanabe ngunit pinuri naman ng Philippine motorsports community dahil ang inaasahan nilang magwawagi ay sinuman kina Golden Wheel Driver of the Year winners GT champion Jody Coseteng, drag racing champion Jonathan Tiu at motocross champion Glenn Aguilar.
Kinatigan naman nila ang naging desisyon ng Golden Wheel Awards Judging Committee na pinahalagahan ang tagumpay ng naturang 20-anyos na motorcycle racing sensation bilang pinakabatang Superbikes champion.
Naipanalo ni Watanabe ang lima sa anim na yugto ng serye para angkinin ang naturang rekognisyon.
Nakamit niya ang mga ito sa kabila ng kanyang pagkawala ng dalawang taon sa Philippine Superbikes Championship Series.
Sa kanyang debut race sa Superbikes ay tumapos si Watanabe bilang ikatlo sa likod nina champion Maico Buncio at multi-titled Glenn Aguilar noong 2011.
Iginawad nina Golden Wheel Foundation Inc. Chairman Johnny Tan at Singapore Motor Association Deputy President Harold Netto ang tropeo kay Watanabe na tumalo kina Johnlery Enriquez (scooters), Niño Fabian (underbone racing), Daniel Miranda (karting), Gio Rodriguez (drifting), Peewee Mendiola, MD (slalom), Edison Dungca (4x4 off road), Bryan Bautista (classic cars) na tumanggap din ng Golden Wheel trophies dahil sa kanilang tagumpay sa kanya-kanyang sport.
Tumanggap din sina Singaporeans Mohammad Nasri Naufal Bin Nasir at Gabriella Teo ng Golden Wheel trophies dahil sa kanilang tagumpay sa Overall Asian Karting champion at Asian Karting Junior champ ayon sa pagkakasunod sa 2013 Asian Karting Open Championships.
Ang Hall-of-Fame inductee na si motocross le-gend Edward Butch Chase ay binigyan ng Philippine motorsports community ng standing ovation dahil siya ang susi sa pag-iisa ng motorcycle clubs sa isang organisasyon. Iginawad din sa unang pagkakataon ang 1st Boy Ochoa Memorial Awards kina Gabriel Cabrera, Flynn Jackes at Jacob Ang.
Si Cabrera ay nag-uwi ng 6-award kabilang ang Karting Perpetual trophy bilang Clubman Karter of the Year habang tampok na award ni Tiu ang Perpe-tual trophy bilang 2013 Overall National Drag Racing champion at binigyan din siya ng Plaque of Recognition sa kanyang pagtatala ng bagong RP drag racing record na 8.806 seconds.
- Latest