MANILA, Philippines - Walong NSAs ang nakapagbigay na ng kanilang programa na balak gamitin bilang bahagi ng pagha-handa para sa Asian Games sa Incheon Korea.
Nangunguna na ang boxing at taekwondo sa mga nagpasa ng kanilang training programs para sa mga atleta na balak i-qualify sa Asian Games.
Ang dalawang contact sport na ito ay ilan lang sa mga sports na inaasahan ng bansa na maghahatid ng gintong medalya sa kompetisyong itinakda mula Setyembre 19 hanggang Oktubre 4.
Ang softball at rugby na kasama ang men’s basketball ay may puwesto na sa ipadadalang Pambansang koponan ay may programa na rin.
Ang triathlon, gymnastics, soft tennis at sepak takraw ay tuma-lima rin sa kautusan ng Asian Games Task Force upang masimulan na ang kanilang preparasyon.
Nauna nang pinulong ng Task Force ang lahat ng NSAs na puwedeng sumali sa Incheon Games at matapos ang pagpupulong, lumabas na ang Fil-Am BMX riders na sina Daniel at Chris Caluag pa lamang ang nakatiyak na ng puwesto sa individual events dahil top two sila sa kanilang event sa Asya.
Napagkasunduan ng TF na pinangungunahan ni PSC chairman Ricardo Garcia bilang Chief of Mission na dapat ay nasa Top five ang lahok ng Pilipinas laban sa mga atleta ng Asian countries sa anumang sasalihang event para makapasok sa delegasyon.
“Ang mga nagpasa na ng kanilang mga programs ay kakausapin na namin at kung pasado sa Task Force ang kanilang kahilingan ay puwede na silang magsi-mula ng kanilang pagha-handa,†wika ni POC chairman at TF member Tom Carrasco Jr.
Naglaan na si Garcia ng P50 milyong pondo na gagamitin para sa pagsasanay ng mga manlalarong puwedeng makapaghatid ng medalya sa Asiad.
Ang pera na ito ay hiwalay sa pondo para sa aktuwal na preparasyon na tinatayang nasa P30 milyon.
Tinatantiyang hindi lalampas sa 200 atleta ang ipadadala para higitan ang tatlong ginto, apat na pilak at siyam na bronze medals na napanalunan sa 2010 Guangzhou Games.