UAAP Women’s Volleyball NU o Ateneo?
Laro NGAYON
(Smart Araneta Coliseum)
2 p.m. - NU vs Ateneo
(Men’s finals)
4 p.m. - Ateneo vs NU (Women’s semis)
MANILA, Philippines - Sino sa National University o Ateneo ang siyang hahamon sa three-time defending champion La Salle para sa titulo sa UAAP women volleyball?
Sasagutin ang katanungang ito matapos saksihan ang sudden-death sa pagitan ng Lady Bulldogs at Lady Eagles na magsisimula dakong alas-4 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Napuwersa ng Ateneo ang do-or-die game na ito nang kunin ang 25-17, 12-25, 31-29, 28-26, panalo noong Miyerkules.
Masuwerte lamang ang NU dahil may isa pa silang pagkakataon na makapasok sa Finals na matagal ng hindi nangyayari dahil sa tangan na twice-to-beat advantage bunga ng pagkakalagay sa ikalawang puwesto sa elimination round.
Bubuksan ng NU Bulldogs ang pagdepensa sa men’s division sa pagbangga sa number two team na Ateneo sa Game One ng best-of-three series na itinakda sa ganap na ika-2 ng hapon.
Isang laro lamang ang kinailangan ng Bulldogs at Eagles para makapasok sa championship round at tiyak na mapupuno rin ng aksyon ang nasabing tagisan.
Pinapaboran ang Lady Eagles na manalo dahil sa karanasang taglay bunga ng katotohanang dala-wang beses silang pumasok sa Finals sa huling dalawang season.
Ang beteranang si Alyssa Valdez na gumawa ng 29 puntos sa huling laro ang mangunguna sa koponan pero hindi magpapahuli sina Ella de Jesus, Michelle Morente at libero Dennise Lazaro na kuminang sa opensa at depensa sa huling bakbakan.
Sina Dindin at Jaja Santiago ang magdadala ng laban ng Lady Bulldogs ngunit kailangang tumapang ang laro ng ibang kamador na sina Myla Pablo, Aiko Urdas at Carmin Aganon na nagkaroon lamang ng single-digit outputs sa huling labanan.
Ang Lady Archers ay nasafinals na at may thrice-to-beat advantage.
Ang unang laro ng finals sa kababaihan ay sa Marso 5 sa The Arena sa San Juan City. (AT)
- Latest