Martinez tumapos na pang-19 sa 2014 Winter Olympics

MANILA, Philippines - Sapat lamang ang ipi­nakita ng 17-anyos na si Michael Christian Marti­nez sa Free Skate para ma­­lagay sa ika-19 puwesto sa pangkalahatan sa pag­ta­tapos ng men’s singles fi­gure skating no­ong Biyernes sa 2014 Win­ter Olympics sa So­chi, Russia.

Hinangaan muli ang kau­na-unahang Filipino at South East Asian skater na nasali sa kompetis­yon sa ganda ng routine, ha­bang itinutugtog ang ‘Ma­laguena’ sa Iceberg Ska­ting Palace.

Tulad sa ginawa sa short program sa unang araw ng kompetisyon, wa­lang naging problema si Martinez sa pagsasagawa ng mahirap na triple axle at triple loops.

“That triple axle went up like a rocket,” tinuran ng commentator sa ipina­kita ni Martinez.

Matapos ang perfor­mance, si Martinez na na­bawasan ng isang puntos bunga ng pagkakadulas, ay ginawaran ng 119.44 pun­tos.

Isinama sa 64.81 marka sa short program, tinapos ni Martinez ang laban taglay ang 184.25 puntos para hindi na bitiwan ang puwestong inokupahan ma­tapos ang unang araw ng tagisan.

“Sobrang saya ko,” wi­ka ni Martinez sa pa­nayam sa telebisyon. “Thankful talaga ako sa support na binibigay nin­yo.”

Labis-labis ang kaga­lakan ni Martinez dahil ang target lamang sa pag­lahok ay masama sa Top 24 na papasok sa medal round na kanyang naisa­katuparan.

Sinabi rin niya ang pla­no na magpatuloy sa pag­lalaro at inaasinta  niya ang makapasok sa 2018 Win­ter Games sa Pyeong­chang, South Korea at na­nanalig din siya na may mga tutulong pa sa kanya la­lo na sa gastusin para mangyari ito.

Una naman si sportsman/businessman Manny V. Pangilinan sa nagbigay ng insentibo sa batang ska­ter nang gantimpalaan ni­ya ito ng $10,000.00 (halos P450,000.00).

Si Martinez ang ikali­mang atleta na kumata­wan sa Pilipinas sa Winter Games, ngunit ang na­unang apat ay mga Fil-Ame­rican.

Hinigitan din ni Marti­nez ang dating pinakama­taas na pagtatapos na nai­tala ni Raymond Ocampo sa ika-35th place noong 1988 sa Calgary, Canada.

Unang nasali ang Pilipinas sa Winter Games no­­ong 1972 sa Sapporo, Ja­pan sa katauhan nina Juan Cipriano at Ben Na­nasca sa alpine skiing  at noong 1992 sa Albertville, France.

 

Show comments