Mabigat ang laban ng PHL men’s volley team
MANILA, Philippines - Hindi inaasahan ng Team Philippines na magiging madali ang kanilang kampanya saan mang grupo sila mapasama sa pagdaraos ng drawing of lots ngayon para sa Asian Men’s Club Volleyball Championship na inihahandog ng PLDT Home Fibr sa Grand Ballroom ng New World Hotel sa Makati.
Pinamumunuan ng many-time champion na Iran, ang mga pinakamabibigat na club teams mula sa China, Chinese Taipei, Hongkong, India, Iraq, Japan, Kazakhs-tan, Kuwait, Lebanon, Mongolia, Oman, Papua New Guinea, Qatar, Turkmenistan, UAE at Vietnam, tiyak na mahihirapan ang mga Pinoy sa kanilang debut sa nasabing regional tournament na nakatakda sa Abril 8-16.
Mismong si Shanrit Wongprasert, ang Asian Volleyball Confederation Executive Vice President at Chairman ng AVC Sports Events Council, ang mamamahala sa draw kasama si Organizing Committee Chairman Philip Ella Juico na dating chairman ng Philippine Sports Commission (PSC).
Makakasama nila sina Philippine Volleyball Fe-deration (PVF) president Karl Chan at Gary Dujali, ang vice president for Marketing of PLDT Home Fibr.
Nagsagawa na si Wongprasert ng inspeksyon sa tatlong venues na gagamitin para sa torneo.
Ang mga ito ay ang Cuneta Astrodome sa Pasay, ang Ynares Sports Center sa Pasig at ang MOA Arena sa Pasay City.
Bukod sa naturang tatlong major tournament ve-nues, inihayag rin ng nag-oorganisang SportsCore na ang team practice sessions ay gagawin sa Rizal Memorial Coliseum, Emilio Aguinaldo College gym, Philippine Army gym, Lourdes School gym at sa Meralco gym.
Inimbitahan rin ang mga embassy officials ng mga kalahok na bansa para tumayong observers at representatives sa drawing of lots.
Ang draw ay isang technical mandatory event na ginagawa bago ang torneo para madetermina ang team pooling/bracketing, match pairings at competition schedules.
- Latest