Tiger Run, Stand In Awe nakapagdomina

MANILA, Philippines - Ginamit ng coupled entries na Tiger Run at Stand In Awe ang Special Class Division race noong Huwebes para maipakita ang kanilang galing nang dominahin ang karera sa MetroTurf na matatagpuan sa  Malvar, Batangas.

Kumawala ang Tiger Run na sinakyan ni AR Villegas sa unang liko sa 1,400-metro distansyang karera habang sa huling kurbada humabol ang Stand In Awe na sinakyan ni Jessie Guce para mag-one-two finish ang nabanggit na mga kabayo.

Ang naunang nakasabayan ng Tiger Run na My Keys ang siyang tumawid sa ikatlong puwesto ngunit ang kabayong hawak ni AO Camañero ang opisyal na pumangalawa sa karera.

Tila nakabuti sa Tiger Run ang mas magaan na peso kumpara sa stablemate nang bigyan ng 54.5 kilos handicap laban sa 57 kilos ng Stand In Awe upang makumpleto ang banderang-tapos na panalo.

Outstanding ang coupled entries para magkaroon lamang ng balik-taya sa win habang ang pagsegunda ng pangalawang paborito na My Keys sa 6-3 forecast ay mayroong P9.50 dibidendo.

Nakabangon ang kabayong Super Elegant habang kuminang din ang takbo ng Kiss Me sa ibang mga races na natunghayan sa bakuran ng ikatlong racing track sa bansa.

Isang handicap race 1 sa 1,200m distansya ginawa ang labanan at hinintay lamang ng hineteng si JD Juco ang tamang pagkakataon na bitiwan ito para manalo kahit unang nalagay sa pang-apat na puwesto.

Ang rumemateng City Girl sa pagdadala ni KB Abobo ang pumangalawa para magkaroon ng magandang dibidendo ang 'di pinaborang kumbinasyon ng mga dehadong lahok.

Naghatid ng P54.50 ang win ng Super Elegant para makabawi matapos pumangalawa sa Silver Ridge noong Enero 30. Ang 1-6 forecast ay naghatid ng P190.50 dibidendo sa forecast.

May suwerte ang Kiss Me na hindi nametahan ng Lambing Pinay para mamayani sa class divison 1A sa 1,200m.

Nakitaan ng  malakas na panimula ang nanalong kabayo na hawak ni FN Ortiz pero naglakad na ito sa huling 50-metro ng karera.

Pero kapos na ito para sa Lambing Pinay ni Fernando Raquel Jr. para ibigay sa katunggali ang panalo sa isang ulo.

May P40.00 ang ipinasok sa win habang P46.00 ang 3-1 forecast. (AT)

 

Show comments