Aberya sa San Lazaro iimbestigahan ng Philracom
MANILA, Philippines - Aalamin ng Philippine Racing Commission (Philracom) kung bakit nagkaroon ng aberya ang race one noong Martes ng gabi sa bakuran ng San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Ipinatatawag ng pamunuan ng Philracom ang mga Board of Stewards sa Manila Jockey Club at ang iba pa na may kinalaman sa pangyayari para bigyan ng linaw ang nangyaring aberya.
Idineklarang false start ang race one na isang special class division race sa 1,500-metro distansya at nilahukan ng 14 kabayo.
Dahil sa pangyayari ay ibinalik ang mga taya sa forecast, trifecta, quartet at super six.
Ngunit inilagay na panalo ang lahat ng 14 na kabayo para mabuo ang Winner-Take-All.
Ang pitong iba pang races na nakaprograma ay natuloy naman.
Maraming karerista ang nagalit sa nangyari dahilan para kumilos uli ang Philracom.
Samantala, nakapanuklaw ang Snake Queen nang lumabas bilang isa sa mga dehadong nanalo sa gabi.
Sa mas mataas na grupo na class division 6 tumakbo ang kabayong sakay uli ni CS Pare Jr. ngunit hindi nawawala ang magandang porma ng kabayo matapos manaig sa Mistah na ginabayan ni Antonio Alcasid Jr.
- Latest