MANILA, Philippines - Hindi pa rin nawawala ang magandang tumbok ni Dennis Orcollo sa larangan ng bilyar.
Ibinigay ng 35-anyos na si Orcollo ang unang pinakamalaking panalo ng Pilipinas sa taong 2014 nang talunin ang kababayang si Francisco Bustamante sa all-Filipino finals ng 16th Annual Derby City Classic 9-Ball banks division na ginawa sa Horseshoe Southern Indiana Elizabeth, Indiana, USA.
Sa ikalawang pagtutuos nila ni Bustamante ay lumabas ang bangis ni Orcollo tungo sa 3-1 panalo para agawin din sa katunggali ang titulong napanalunan noong nakaraang taon.
Naunang naglaban sa first semifinals sina Bustamante at Orcollo at ang tubong Tarlac at siyang nagdedepensang kampeon ng torneo ang nanaig.
Pero may buy-back option si Orcollo dahil ito pa lamang ang kanyang unang kabiguan sa kompetisyon at nagkaroon ng re-draw at pinalad siyang mag-bye sa ikalawang semifinals.
Hinarap ni Bustamante si Earl Strickland ng US na kanyang pinagpahinga, 3-1, para kunin ang karapatang labanan si Orcollo.
Halagang $10,000.00 ang premyong napanalunan ni Orcollo at ito ang ikalawa niyang panalo matapos dominahin si Darren Appleton ng England sa TAR38 na nagpasok pa ng $3,000.00 gantimpala.
May $5,000.00 prem-yo si Bustamante at kahit paano ay naibsan ang kanyang kabiguan na uma-bante sa Finals sa Bigfoot 10-ball Challenge.
Yumuko sa semifinals si Bustamante kay Shane Van Boening ng USA, 8-11, upang makontento sa ikatlong puwesto.
Kampeon sa nasabing kompetisyon si Van Boening matapos hiyain si Niels Feijen, 11-7. (AT)