MANILA, Philippines - Nalagpasan ni Filipino Grandmaster Wesley So ang pinakamabigat na pagsubok sa kanyang chess career nang magtapos ito na kasalo ang dalawa pa sa ikaapat na puwesto makaraang makipag-draw sa Italyanong si Fabiano Caruana sa 11th at final round ng Tata Chess Steel Masters sa Netherlands noong Linggo ng gabi.
Sa pagharap sa mga mabibigat na kalaban, ang 20-gulang na si So, ay nagtapos na may 6-points sa tatlong panalo at anim na draw laban sa dalawang talo sa 11-games para magtapos sa No. 4 kasama sina Caruana, ang third seed bilang World No. 6 at Cuban No. 6 Leinier Dominguez Perez.
Nagtapos din ang Webster U standout na si So na may ikaapat na pinakamataas na tournament performance rating sa Category 20 (average ELLO rating na 2743) event sa kanyang 2781, sa likod ng nagkampeong si Levon Aronian ng Armenia na may 2911, Dutch Anish Giri na may 2809 at Russian Sergey Karjakin na may 2806.