Guce, Esguerra 2013 top earners

MANILA, Philippines - Muling pumaimbulog si Jessie Guce sa hanay ng mga hinete  habang lumutang uli ang husay ni Hermie Esguerra sa mga horse owners nang kilalanin sila bilang top earner sa kani-kanilang hanay noong 2013.

Sina Guce, Pat Dilema at Jonathan Hernandez ang mga naglaban-laban sa nagdaang taong karera ngunit lumutang pa rin ang husay ni Guce matapos makalikom ng nangunang P4,990,522.72 premyo.

Si Guce rin ang lumabas bilang hinete na may pinakamaraming sakay sa 1,238 at kumabit siya ng nangunang 220 unang puwesto, 227 segundo, 176 tersero at 145 kuwarto puwestong pagtatapos.

Si Dilema ang nalagay sa ikalawang puwesto bitbit ang P4,769,598.17 premyo sa 923 takbo. May 203 panalo ang class A jockey bukod pa sa 168 segundo, 151 tersero at 117 kuwarto puwestong pagtatapos.   Ang 2012 Jockey of the Year na si Hernandez ay nalagay sa ikatlong puwesto sa pagkakataong ito bitbit ang P4,427,584.41 sa 717 takbo na kinakitaan ng 184 panalo, 104 segundo, 105 tersero at 93 kuwarto puwestong pagtatapos.

Humataw nang husto ang mga kabayo ni Esguerra sa buwan ng Disyembre upang maisantabi ang hamon nina Aristeo Puyat at Mandaluyong City Mayor Benhur Abalos. Kumabig si Esguerra ng P12,728,062.08 mula sa 71 panalo, 48 segundo, 24 tersero at 33 kuwarto puwesto upang makabawi matapos ang masamang kampanya noong 2012.

Si Puyat ang nalagay sa ikalawang puwesto bitbit ang P11,041,096.96 at kinatampukan ito ng paghagip ng nangungunang 74 unang puwesto. May 78 segundo, 74 tersero at  79 kuwarto puwesto ang ibang kinalagyan ng inilabang kabayo.

Ininda naman ni Abalos ang pagkatalo ng Hagdang Bato sa Presidential Gold Cup para pumangatlo sa P10,934,042.01 mula sa 36 panalo bukod pa sa 21-20-16 pangalawa-pangatlo at pang-apat na pagtatapos.

Pumasok din sa P10 milyon mark si Atty. Narciso Morales sa P10,521,316.81 mula sa 68-82-79-79 karta habang si Sixto Esquivias IV ang nasa ikalimang puwesto sa P9,653,233.65 (54-51-66-46).

Umabot sa 15 ang hinete na naging milyonaryo para maging maganda ang tagisan sa kanilang hanay.

Nakasama sa talaan ay sina Mark Alvarez (P3,918,763.44), Jeff Zarate (P2,883,853.54), Fernando Raquel Jr. (P2,862,746.24), John Alvin Guce (P2,602,873.68), JB Bacaycay (P2,212,480.90), JB Cordova (P2,026,016.60), Rodeo Fernandez (P1,986,386.55), LT Cuadra Jr. (P1,781,874.26), Val Dilema (P1,620,068.96), JPA Guce (P1,599,555.69), Christian Garganta (P1,529,689.26) at Dominador Borbe Jr. (P1,277,976.59). (AT)

 

Show comments