Roach nag-aalangan sa Pacquiao-Bradley fight

MANILA, Philippines - Kamakalawa ay inihayag ni Manny Pacquiao na si Timothy Bradley, Jr. ang kanyang gustong labanan sa Abril 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Ngunit sa panayam ng BoxingScene.com, sinabi ni chief trainer Freddie Roach na hindi tatangkilikin ng mga boxing fans sa buong mundo ang naturang Pacquiao-Bradley rematch.

Ayon kay Roach, muli na namang tatakbuhan ng 30-anyos na si Bradley ang 35-anyos na si Pacquiao sakaling maitakda ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ang kanilang ikalawang banggaan.

“I want Manny to look good in his next fight, and I think maybe Tim Bradley wants too much money. Plus I think he will run all night and make for a poor showing for Manny,” ani Roach.

Tinalo ni Bradley (31-0-0, 12 KOs) si Pacquiao (55-5-6, 38 KOs) sa pamamagitan ng kontrobersyal na split decision para agawin sa Filipino boxing superstar ang suot nitong (WBO) welterweight crown noong Hunyo 9, 2012. Sa nasabing laban ay walang ginawa si Bradley kundi ang umiwas sa mga suntok ni Pacquiao.

Dahil dito, sinabi ni Roach na mas gusto niyang labanan ni Pacquiao si WBO light welterweight king Ruslan Provodnikov (23-2-0, 16 KOs).

“Ruslan Provodnikov is a better fight for Manny. They are good friends though. I’m trying not to make it happen, but to be honest, it’s probably the best fight for Manny,” wika ni Roach sa 29-anyos na Russian titlist.

Si Provodnikov ay naging sparmate ni Pacquiao sa paghahanda kay Bradley.

“I’ve seen them spar many times and it is competitive,” sabi ni Roach sa tinaguriang ‘Siberian Rocky’.

Tinalo na ni Bradley si Provodnikov via split decision sa pagdedepensa sa kanyang WBO welterweight belt noong Marso ng 2012.

 

Show comments