FIBA-Asia 3x3 U18 champs maghihiwa-hiwalay
MANILA, Philippines - Sa pagtatapos ng kanilang high school ay magla-laro sa magkakaibang koponan sa UAAP men’s basketball tournament ang dalawang miyembro ng FIBA-Asia U18 3x3 champion team.
Maglalaro si Arvin Tolentino sa Ateneo mula sa pagiging kamador ng San Beda Red Cubs, habang iiwanan naman ni Prince Rivero ang La Salle- Greenhills para kumampanya sa De La Salle University Green Archers.
Naging magkakampi sina Tolentino at Rivero, kasama sina Thirdy Ravena at Kobe Paras, sa koponang nagkampeon sa FIBA-Asia U-18 3x3 championships sa Bangkok noong nakaraang taon.
Magkikitang muli sina Ravena at Tolentino sa kampo ng Blue Eagles.
Si Paras, may isang taon pa sa kanyang UAAP junior eligibility, ay inalok ng athletic scholarship sa Cathedral High School sa Los Angeles.
Kung babalik sa bansa si Paras ay gusto ng kanyang amang si Benjie na maglaro siya para sa Green Archers.
Pinamunuan naman ng 6-foot-5 na si Tolentino ang San Beda Red Cubs sa ilang NCAA junior championship at nakalaban ng 6’4 na si Rivero.
Nabigo si Rivero, ang ama ay ang strength and conditioning coach ng Barako Bull sa PBA, na igiya ang Greenies sa titulo ng NCAA juniors’ division.
- Latest