Lillard iniligtas ang Blazers

AUBURN HILLS, Mich. -- Akmang sasa-laksak si Damian Lillard laban sa depensa ni Rodney Stuckey, ngunit nag-iba siya ng diskarte at pinakawalan na lamang  ang isang fadeaway basket sa natitirang 0.1 segundo para itawid ang Portland Trail Blazers sa 111-109 overtime win laban sa Detroit Pistons.

Humugot si Lillard ng walo sa kanyang 23 points sa overtime period para sa tagumpay ng Trail Blazers.

Tumapos naman si LaMarcus Aldridge na may 27 points para sa Portland.

Nauna nang itinala ng Pistons ang isang 13-point lead sa fourth quarter.

Umiskor si Josh Smith ng 31 points, ang pinakamalaki niyang produksyon matapos pumirma sa Detroit bilang isang free agent noong offseason.

Umiskor si Wesley Matthews ng 14 points at itinabla ang Trail Blazers sa huling 30.8 segundo sa regulation mula sa kanyang dalawang free throws.

Hawak pa ng Detroit ang bola sa nalalabing 1.1 segundo, ngunit ang inbound pass ni Kyle Single ay naagaw patungo sa overtime.

Inaasahan na ng Pistons ang ikalawang overtime, subalit nakagawa si Lillard ng kanyang tira para ipanalo ang Trail Blazers.

Show comments