Gold ni Cordova nagningning

NAY PYI TAW – Binigyan ni Nestor Cordova ng liwanag ang makulimlim na kampan-ya ng Team Philippines sa 27th Southeast Asian Games kahapon dito.

Binalewala ang malamig na simoy ng hangin sa umaga at mabagal na panimula sa 2-kilometer race, humugot si Cordova ng lakas ng loob para muling pagharian ang men’s lightweight single sculls at sikwatin ang gintong medalya.

“Hindi ko din alam kung saan ako kumuha ng lakas, eh,” wika ni Cordova na pinagharian din ang naturang event sa Indonesia noong 2011 at pinigil ang gold shutout ng bansa.

“Basta ang alam ko lang, sinasabi ng isip ko na ibigay ang lahat kahit medyo nanghihina na ang katawan ko. Mabuti na lang at nakuha ko ang ginto,” dagdag pa ng 36-an-yos na Navy sergeant.

Nagposte si Cordova ng oras na pitong minuto at 49.38 segundo para ungusan ang 7:49.68 ni Myanmar bet Ayung Ko Min, pinamunuan ang halos kabuuan ng karera bago naabutan ni Cordova sa huling 100 meters.

Silver medal lamang ang nakuha nina rowers Benjie Tolentino Jr. at Edgar Ilas sa lightweight double sculls.

Nagtapos na naman sa pang-apat ang lightweight fours nina Tolentino, Ilas, Alvin Amposta at Roque Abala Jr.

Samantala, pormal namang iginawad sa Sinag Pilipinas ang men’s basketball gold na nauna na nilang inangkin noong Sabado, habang nakapasok sa finals sina swimmers Jessie Khing Lacuna, Jasmine Alkhaldi at Matt Navata sa kani-kanilang mga events.

Pilak na medalya ang naibigay ni heptathlete Narcisa Atienza kagaya ng nakuha ng Perlas Pilipinas women’s basketball squad na kumuha ng 80-31 panalo kontra sa Myanmar.

 

Show comments