Barriga hindi ininda ang pagod
NAY PYI TAW – Bagama’t pagod at na-ngangalawang sa laban, nakapagtala pa rin ng pana-lo si light flyweight Mark Anthony Barriga matapos talunin si Huynh Ngoc Tan ng Vietnam via split decision sa kanilang quarterfinals bout sa 27th Southeast Asian Games dito sa Wanna Theikdi Stadium.
Nagmula sa isang month-long trip sa Assisi, Italy, ilang beses nag-alinlangan si Barriga sa second round bago patahimikin ang Vietnamese sa third round patungo sa pagsikwat sa isang semifinal slot.
Nauna dito, naglista si lightweight Junel Cantancio ng isang unanimous decision win kontra kay Keochi Xayyasone ng Laos para makasama ang mga katropang sina light welterweight Dennis Galvan, flyweight Rey Saludar, bantamweight Mario Fernandez, welterweight Wilfredo Lopez, bantamweight Iris Magno, flyweight Maricris Igam at light flyweight Josie Gabuco sa susunod na round.
Nauna nang umabante si Nesthy Petecio sa gold-medal match matapos kunin ang unanimous decision win laban kay Tassamalee Tsongjan ng Thailand sa women’s featherweight match noong Lunes.
Ngunit ang lahat ay nakatutok kay Barriga, may jetlag pa matapos bumalik sa Pilipinas kasunod ang pagbiyahe sa Burmese capital noong nakaraang Miyerkules.
Kontra kay Huynh, ina-min ng silver medalist sa 2011 SEA Games na wala pa siya sa kanyang porma.
- Latest