Boracay Rum bumangon
MANILA, Philippines - Tinapos ng Boracay Rum ang tatlong dikit na pagkatalo nang kunin ang 71-63 panalo sa Arellano University habang mas matikas ang Wang’s Basketball sa Derulo Accelero, 81-71 sa pagpapatuloy ng PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Si Chris Banchero ay mayroong 20 puntos na kinatampukan ng 10-of-12 shooting sa free throw line habang sina Stephen Siruma at Roider Cabrera ay naghatid ng tig-11 puntos para punuan ang pagkawala ni Mark Belo na nakasama ng men’s basketball team na maglalaro sa SEA Games sa Myanmar.
Sinikap na makipagsabayan ng Chiefs at nakadikit pa sila sa 49-48 ngunit nagpakawala ng 12-2 bomba ang Waves para iwan na ang kalaban.
Ito lamang ang ikatlong panalo sa walong laro ng tropa ni coach Lawrence Chongson na nananalig na simula na ito ng pagbangon ng koponan.
“Natapat agad kami sa malalakas. Kasama pa ang kawalan ng magandang samahan ng mga locals at si Chris. Hopefully, maayos agad ito during the holiday break,†wika ni Chongson.
Bumaba ang Chief sa 1-6 baraha at pang-apat na sunod na pagkatalo at sila ay pinangunahan ni Jack Arquero sa kanyang 14 puntos.
Nakitaan naman ng mas magandang laro ang Couriers para kunin ang ikatlong panalo sa pitong laro.
Si Michael Juico ay mayroong 25 puntos bukod pa sa limang assists at tatlong steals para sa Wang’s na nakabangon mula sa 75-59 pagkakadurog sa Jumbo Plastic sa huling laro.
Ika-pitong pagkatalo ang tinanggap ng Oilers at hindi nila nasundan ang 82-75 panalo sa Chiefs sa huling laban.
- Latest