9-buwan pa bago ang rematch nina Sabillo at Buitrago

MANILA, Philippines - Siyam na buwan pa ang hihintayin ni Carlos Buitrago ng Nicaragua para sa kanilang rematch ni Filipino world minimumweight champion Merlito Sabillo.

Ito ang wika ni ALA Promotions vice-president Dennis Canete sa posibleng ikalawang pagkikita nina Sabillo at Buitrago matapos maidepensa ng Filipino champion ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) minimumweight crown.

“Since it’s a mandatory title defense for Sabillo, the rematch will have to wait for at least the next nine months,” wika ni Canete sa Sabillo-Buitrago rematch sa susunod na taon.

Tinalo ni Sabillo si Buitrago sa isang kontrobersyal na split draw decision noong Sabado sa Smart Araneta Coliseum para mapanatiling suot ang kanyang WBO title.

Binigyan ni judges Joerg Milke si Sabillo ng iskor na 115-113, habang pumabor naman si Levi Martinez kay Bui-trago, 115-113 at tabla naman ang naging tingin ni Takeshi Shimakawa, 114-114.

Kaagad na humingi ng rematch ang kampo ng Nicaraguan dahil sa naturang desisyon.

“It’s a normal reaction especially since they appeared not convinced with the way judges scored the bout,” ani Canete.

Inihayag ng ALA Promotions na kapwa sasagupa sa magkaibang kalaban sina Sabillo at Buitrago bago maitakda ang kanilang rematch.

Si Buitrago ay mananatili bilang WBO No. 1 challenger.

Nagkaroon ng pasa si Sabillo sa ilalim ng kanyang mata at may pagkakataong umalog ang kanyang tuhod nang tamaan ni Buitrago sa ninth round.

Sa kabila nito, nanatiling matatag si Sabillo para maitakas ang draw.                         

 

Show comments