MANILA, Philippines - Bawing-bawi si Donnie ‘Ahas’ Nietes sa di magandang ipinakita sa huling sampa sa boxing ring nang kanyang patulugin sa ikatlong round si Mexican challenger Sammy Gutierrez na siyang tampok na laban noong Sabado sa Pinoy Pride XXIII sa Smart Araneta Coliseum.
Nasulit ang paghihintay ng mga nanood sa laban dahil ang naunang sinabi na patutulugin niya si Gu-tierrez ay kanyang pinatotohanan para maidepensa ang WBO light flyweight title.
Sa first round pa lamang ay naramdaman na hindi magtatagal ang laban dahil dalawang beses itong humalik sa lona dahil sa kanyang matinding kanan.
Tila nakabawi na si Gutierrez sa second round nang makasabay ito kay Nietes pero sa ikatlong round ay nakalimutan ng Mexicano ang matikas na kanang kamay ng nagdedepensang kampeon upang tumumba uli.
Nakita ni referee Celestino Ruiz na hindi na kaya ng challenger na tumayo pa at tinapos na ang paghihirap ni Gutierrez sa 2:58 ng round.
“Noong tinamaan ko at tumumba alam kong kaya ko siya,†wika ni Nietes na may 32 panalo sa 37 laban at inakyat sa 18 ang karta sa knockout.
Sa ginawa ni Nietes, dapat na maghanda si Moises Fuentes na siya niyang makakaharap uli na binabalak gawin sa Marso.
Si Fuentes ang nakasukatan ni Nietes noong Marso 2 sa Cebu at nauwi ito sa kontrobersyal na tabla. Nag-ingat ang kampo ni Fuentes dahil sa paniniwalang nanalo ang kanilang boxer kaya’t itinakda ang rematch.
Ngunit kung hindi magbabago ang kondisyon ni Nietes, may kalalagyan si Fuentes sa rematch.
Masuwerte naman si Merlito Sabillo na nauwi sa tabla ang title defense niya sa WBO minimumweight title kontra sa matibay na Carlos Buitrago ng Nicaragua.
Ang mga nakasaksi ng laban ay kinabahan dahil may mga rounds na tunay na dinomina ng mandatory challenger kaya’t nakahinga sila ng maluwag nang ilabas ni Takeshi Shimakawa ng Japan ang 114-114 tablang iskor.
Bago ito ay ibinigay ni judge Levi Martinez ang 115-113 panalo kay Sabillo habang si Joerg Mike ay may ganitong iskor din para kay Buitrago.
Wala namang nalagas sa iba pang Filipino boxers na hinarap ang mga Latinos dahil si Milan Melindo ay umukit ng unanimous decision kay Jose Alfredo Rodriquez ng Mexico; si Jason Pagara ay nanalo sa decision kay Vladimir Baez ng Dominican Republic, sa ganito rin nanalo si AJ Banal kay Lucian Gonzales ng Puerto Rico habang si Jimrec Jaca ay pinatulog sa first round si Wellem Reyk ng Indonesia.