MANILA, Philippines - Tiyak na matutuwa ang mga panatiko sa boxing na manonood ng Pinoy Pride XXIII – Filipinos Kontra Latinos- na gagawin sa Sabado ng gabi sa Smart Araneta Coliseum dahil inihayag ng lima sa anim na dayuhang boxers ang kanilang kahandaan na talunin ang mga Pinoy boxers na katapat.
“For us to win, it has to be by knockout and I am prepared to do that,†wika ni Lucian Gonzales ng Puerto Rico, ang kalaban ni AJ Banal, nang dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kahapon.
Ang tampok na laban ay haharapin nina Sammy ‘Guty’ Gutierrez ng Me-xico at Carlos ‘Chocorroncito’ Buitrago ng Nicaragua na makakatapat sina Donnie ‘Ahas’ Nietes at Merlito ‘Tiger’ Sabillo para sa hawak na WBO light flyweight at minimumweight titles.
“I trained for two months for this fight. I ready to fight and I’m ready to go for 15 rounds,†pagmamalaki ng 27-anyos na si Gutierrez na dating interim WBA minimumweight at WBC silver light flyweight champion.
May 33 panalo sa 44 laban si Gutierrez kasama ang 23 KOs at dalawang Filipino ang kanyang tinalo sa pamamagitan ng KO na sina Renan Trongco at Roilo Golez para sa hinawakang mga titulo.
Hindi naman nagpahuli ang 21-anyos na si Buitrago na may 27-0 baraha at 16 KOs.
“This is an opportunity for me to take the belt to Nicaragua,†pahayag ni Buitrago na sasalang sa pang-apat na laban sa taon.
Sina Mexican Jose Alfredo ‘Torito’ Rodriguez at Vladimir Baez ng Dominican Republic ay kumbinsido ring mananalo kontra kina WBO international flyweight champion Milan Melindo at WBO international light welterweight titlist Jason Pagara.