Tupas mahirap nang mahabol ng mga kalabang trainers

MANILA, Philippines - Mukhang mahihirapan nang matibag sa unang puwesto si Ruben Tupas para sa taguri bilang pinakamahusay na trainer sa taong 2013.

May dalawang buwan na lamang bago magsara ang taong kasalukuyan at patuloy pa rin ang kapit ng batikang trainer sa unang puwesto sa kanyang hanay nang makalikom ng nangungunang P2,789,908.15 premyo matapos ang buwan ng Oktubre.

Mahigpit na karibal ni Tupas sa parangal si DR dela Cruz  na siyang ikalawang trainer pa lamang na may mahigit na dalawang milyong kinita sa P2,170,586.88 premyo.

Tabla sina Tupas at Dela Cruz sa bilang ng mga nanalong kabayong inalagaan sa 132 pero angat ang nasa ikalawang puwesto sa mga kabayong sumegundo sa karera sa 127 kumpara sa 118 ni Tupas.

Angat ng 10 si Tupas sa mga pumangatlo sa 132-122 habang bumawi si Dela Cruz sa mga pumang-apat na kabayo, 121-94.

Bagamat masasabing maganda ang mga tinapos ng mga kabayong sinanay ni Dela Cruz, sa mga malalaking karera nangibabaw ang mga hinubog ni Tupas para manguna sa talaan.

Anim na trainers pa ang kumabig na ng mahigit na isang milyong kita at ito ay pinamumunuan ni CM Vicente sa P1,538,635.19 sa 84-77-80-61 karta.

Ang iba pang trainers na nasa millionaire’s list ay sina RR Yamco sa P1,526,670.22 (83-92-84-72), horseowner /trainer JA Lapus sa P1,288,520.03 (56-82-102-95), JC Sordan sa P1,273,179.16 (86-54-54-59), DS Sordan sa P1,211,136.72 (80-63-51-33) at RR Henson sa P1,099,094.70 (59-70-64-58).

Sina MM Vicente, AC Sordan Jr., Hermie Esguerra at JC Pabilic ay namumuro na masama sa talaan sa matapos ang buwan ng Nobyembre dahil mahigit na P900,000.00 na ang kanilang napanalunan.

Si Vicente ay  may P974,716.41 (57-65-72-75), si Sordan ay may P971,324.07 (61-48-57-51), si Esguerra ay may P929,614.70 (46-31-10-22) at si Pabilic ay may P923,432.05 (59-56-47-40).

Show comments