Matapos pangunahan ng Miami Heat ang preseason NBA Power Ranking ng Yahoo Sports, rumagasa ang Philadelphia para maging pinakamainit na koponan sa unang linggo ng regular season bago natalo nitong Lunes.
1. Philadelphia 76ers (3-0; ranking noong nakaraang linggo: 30) Sinasabing mahina ang Philadelphia pagpasok nila sa season ngunit pinakitaan ng Sixers sa pangunguna ni rookie Michael Carter-Williams ang reigning champion Miami, Washington (road game) at Chicago. Bumandera ang Sixers ng ilang araw.
2. Indiana Pacers (3-0; ranking noong nakaraang linggo: 3): Binuksan ni Guard Paul George ang season sa kanyang impresibong game averages na 25.7 points, 8.3 rebounds, 4.3 assists, 5.7 free throws at 3.3 made 3-pointers.
3. Houston Rockets (3-0; ranking noong nakaraang linggo: 6): Nagbalik si Dwight Howard sa Los Angeles nitong Lunes ng gabi para harapin ang Los Angeles Clippers at hindi ang kanyang dating team na Lakers. Kalaban ng Lakers ang Houston nitong Huwebes ngunit hindi pa lalaro si Kobe Bryant.
4. Minnesota Timberwolves (3-0; ranking noong nakaraang linggo: 13): Ang wala pang talong Wolves ay nagpakita ng senyales na kaya nilang umabot sa postseason sa unang pagkakaton sapul noong 2004. Maganda ang kondisyon ni Kevin Love at nag-a-ave-rage ng 29.6 points at 14.6 rebounds.
5. Miami Heat (2-2; ranking noong nakaraang linggo: 1): Bumalik ang Heat sa .500 matapos igupo ang Wizards nitong Linggo. Pumasok sa laro ang Miami na may 1-2 record at ito pa lamang ang ikalawang pagkakataon na may losing record sina LeBron James, Dwyane Wade at Chris Bosh sapul nang sila ay magsama-sama.
6. San Antonio Spurs (2-1; ranking noong nakaraang linggo: 2): Matapos ang nakakadismayang NBA Finals stint noong nakaraang season, impresibong binuksan ni Manu Ginobili ang season sa kanyang average na 14.3 points sa 51.4 percent shooting mula sa field. Host ang Spurs kontra sa Golden State Warriors nitong Biyernes.
7. Oklahoma City Thunder (60-22 noong nakaraang season at may 2-1 record ngayon; ranking noong nakaraang linggo: 8) Tagumpay ang pagbabalik ni Russell Westbrook mula sa operasyon sa kanang tuhod. Nagtala siya ng 21 points at seven assists kontra sa Phoenix noong Linggo. Asahan ang pag-angat ng Thunder sa rankings .
8. Los Angeles Clippers (2-1; ranking noong nakaraang linggo: 5): Nag-a-average si center DeAndre Jordan ng double-double na 11.3 points at 12 rebounds bukod pa sa 2 blocks at 2 steals. Napalaban ito kay Dwight Howard nitong Lunes ng gabi sa Staples Center.
9. Golden State Warriors (2-1; ranking noong nakaraang linggo: 7) Biglang inabangan ang laban ng Golden State kontra sa Philadelphia nitong Lunes dahil sa match-up nina 6-foot-6 Michael Carter-Williams at Stephen Curry.
10. Detroit Pistons (2-1; ranking noong nakaraang linggo: 17): Nagtala si Brandon Jennings ng 14 points, four assists at four steals bagama’t nakasuot ng protective mask sa debut ng Pistons kontra sa Boston. Susunod nilang kalaban ay ang Indiana at Oklahoma City.
Ang bumubuo ng Top 15 ay ang No. 11 Chicago Bulls (1-2), No. 12 Memphis Grizzlies (1-2), No. 13. Portland Trail Blazers (2-1), No. 14. Dallas Mavericks (2-1) at No. 15. Brooklyn Nets (1-2).