3 ang naglalaban sa huling Final 4 slot

MANILA, Philippines - Iigting pa ang labanan para sa ikaapat at huling puwesto sa semifinals sa 89th NCAA men’s basketball sa pagharap sa magkahiwalay na laro ng Emilio Aguinaldo College at San Sebastian ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Makakabangga ng Generals ang Jose Rizal University sa ganap na ika-4 ng hapon habang susukatin ng Stags ang lakas ng Perpetual Help dakong alas-6 ng gabing sagupaan.

Ang panalo na makukuha ng Stags ang magtutulak sa koponan para hawakan ang playoff para sa mahalagang ikaapat na puwesto.

May 9-7 baraha ngayon ang tropa ni coach Topex Robinson at kung manaig nga sa Altas ay tatapusin na rin nila ang laban ng Arellano na sa 7-9 baraha ay magkakaroon na lamang ng best record na siyam na panalo.

Sa kabilang banda, ang Generals na may 8-8 karta, ay nangangailangan na maipanalo ang huling dala-wang laro at sabayan ng panalangin na matalo ang Stags sa isa sa huling dalawang laro.

Puwede pa ngang maagaw ng tropa ni coach Gerry Esplana ang huling upuan kung mananalo sila sa Heavy Bombers at Mapua na sasabayan ng pagkatalo ng Baste sa Altas at St. Benilde.

Bagama’t selyado na ang puwesto sa Final Four, nais ng tropa ni coach Aric Del Rosario na manalo para selyuhan na ang ikatlong puwesto.

Crossover ang Final Four at ang number three team ang makakaharap ng number two na ipinalalagay na may magandang tsansa na makasilat sa halip na maging number four at banggain ang number one team.

Ang Letran at San Beda ang naglalaban sa unang dalawang puwesto pero pareho na silang may tangan na twice-to-beat advantage sa Final Four.

Sigurado nang mapapaaga ang bakasyon ng Lyceum (7-10), Jose Rizal (6-10), St. Benilde (5-11) at kulelat na Mapua  (2-15) bunga ng kanilang mabababang records.

 

Show comments