MANILA, Philippines - Kinansela ang karera noong Miyerkules sa Santa Ana Park dahil sa problema sa aparato ng race track sa Naic, Cavite.
Sinikap ng mga opisyales ng racing club na ayusin ang problema sa video at audio pero matapos ang ilang oras na pagsisikap ay nagdesisyon ang pamunuan ng Philippine Racing Club Inc. (PRCI) na isantabi na ang nakatakdang karera.
“Dahil sa video-audio technical malfunction, hindi sila mapapanood at maririnig sa ere kaya kinansela ang karera,†wika ni Philracom commissioner at executive director Jess Cantos.
Hindi malayong magkaroon ng multa ang racing club dahil sa perwisyo na naidulot nito sa karerista at ang nawalang kita ng pamahalaan sa pangyayari.
Kasabay nito ay inabisuhan na rin ng Philracom ang Santa Ana at ang dalawang racing clubs na San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite at Metro Turf Club sa Malvar, Batangas para tiyaking mabuti na maayos ang kanilang mga gamit upang hindi na maulit ang pangyayari.
“Sinasabihan namin ngayon ang mga racing clubs na habang maaga pa o hindi pa itatakbo ang unang race ay dapat alam na nila na maayos ang kanilang mga gamit,†wika pa ni Cantos.
Maraming karerista ang nagalit sa nangyari dahil inabot pa sila ng ilang oras bago sinabi ng PRCI na kanilang ikakansela ang takbo sa pista.
Nainis ang mga mananaya dahil karamihan sa kanila ay tumaya na at malaking abala ang nangyari dahil sa matagal na paghihintay ng marami na nauwi lang sa wala.
Walong karera ang nakaprograma sa araw na ito at tampok rito ang isang 2-YO maiden race na kung saan ang mananalo ay mag-uuwi ng karagdagang P10,000.00 na ipinagkaloob ng Philracom.