Close door ang training ni Manny

MANILA, Philippines - Sinimulan na ni Freddie Roach ang seryosong pagsasanay ni Manny Pacquiao sa General Santos City at ipinag-utos niya ang close door training sa local version ng kanyang Wild Card Gym.

Dumating kahapon ng umaga si Roach mula sa United States at diretsong sumakay ng eroplano patungong General Santos. Nakarating siya roon bago magsimula ang training ni Pacquiao.

Kasamang dumating ni Roach si Liam Vaughan, ang 23-gulang na light-middleweight mula sa Liverpool para makasama nina Ghanian Fredrick Lawson at Filipino Dan Nazareno bilang sparring partners ni Pacquiao.

Araw ng sparring ng 34-gulang na si Pacquiao na naghahanda para sa kanyang laban kontra kay Brandon Rios sa Macau sa Nov. 24.

Galing sa dalawang talo ang Filipino congressman at kailangan niyang magtala ng impresibong panalo laban sa mas batang si Rios.

Halos apat na linggo nang nagsasanay si Pacquiao sa ilalim nina Buboy at Roger Fernandez, Nonoy Neri kasama ang mga magkakapatid na sina Dodie Boy, Gerry at Jonathan Peñalosa.

May anim na linggo pa siyang natitira para magsanay sa ilalim ni Roach.

Show comments