May P214M budget ang PSC para sa 2014

MANILA, Philippines - Magkakaroon ng budget na P214 milyon ang Philippine Sports Commission (PSC) na kanilang gagamitin para sa 2014.

Ang pondong ito ay naabot matapos ang budget hearing sa Congress noong nakaraang linggo at ito ay mataas ng kaunti sa nakuhang budyet para sa 2013.

May P179 milyong pondo ang galing sa GAA para sa 2013 pero may dagdag na P28 milyon mula sa  horse racing upang pumalo ito ng halos P207 milyon.

“We have an increase of seven to ten million for this year.  Anything that is given, we would make do with it,” wika ni PSC chairman Ricardo Garcia.

Hindi gaanong kapos sa pondo ang PSC dahil bukod sa may ibinibigay na buwanang kontribusyon ang PAGCOR na inilalagak sa National Sports Development Fund (NSDF) ay may nakalagak pang mahigit P300-milyon ang ahensya sa bangko.

Nilinaw ni Garcia na ang savings na ito ay hindi dahil sa pagtitipid sa mga National Sports Associations (NSA) kungdi mga perang hindi naipamahagi dahil may mga unliquidated ang mga NSAs.

“Mga obligated budgets ito. May COA ruling na hindi maaaring magbigay ng financial assistance sa mga NSAs na hindi nakakapag-liquidate.

Halimbawa ay sa unang financial assistance ay hindi ito na-liquidate agad, hindi na ito puwedeng bigyan kaya naiipon ang kanilang pera,” paliwanag ni Garcia.

Hindi naman bawal na gamitin ang pondong ito sa ibang pamamaraan tulad ng mga renobasyon sa pasilidad at iba pa o ang dagdag gastusin tulad ng pagsali ng bansa sa mga malalaking kompetisyon kagaya ng Myanmar SEA Games.

Sa ngayon, ang perang nakalagak sa bangko ay gagamitin sa pagsasaayos ng football field, baseball field, PSC bowling center, tennis center at Ninoy Aquino Stadium, track and field oval, cafeteria at dormitory sa Philsports.

Show comments