Cagayan volleybelles kinumpleto ang sweep

MANILA, Philippines - Humataw sa endgame ang Cagayan Province upang igupo ang Army, 25-15, 20-25, 19-25, 25-18, 15-9 para kumpletuhin ang sweep ng eliminations at quarterfinals ng Shakey’s V-League Season 10 Open Conference sa dinayong The Arena sa San Juan City.

Bumangon ang Rising Suns mula sa 1-2 set down nang kanilang kunin ang huling dalawang set para kunin ang  8-7 kalamangan sa decider sa pagtutulu-ngan  nina Thai ace Kannika Thipachot, Aiza Maizo at Angeli Tabaquero upang tapusin ang laban sa loob ng isang oras at 50 minuto.

Ito ang ika-12 sunod  na panalo ng Cagayan para pormal na angkinin ang  top seeding sa Final Four habang bumaba ang Army sa 9-3 karta.

Makakasagupa ng Cagayan ang No. 4 na Air Force sa best-of-three semis na magsisimula bukas habang ang No. 2 Army at third seeded Smart-Maynilad naman ang maglalaban sa isa pang finals berth.

Bago sumabak sa semifinals ay nagtala ng tagumpay ang Philippine Air Force kontra sa Phi-lippine National Police, 25-16, 25-22, 14-25, 25-17 sa unang laro.

Gumawa ng 22 kills at dalawang blocks si Joy Cases habang si Judy Ann Caballejo ay naghatid pa ng 14 kill at tumulong din sa pag-atake si Maika Ortiz para bigyan ang Air Women ng 57-46 kalamangan sa attacks.

Nalaglag ang PNP sa 2-10 karta at sina Thai import Sangmuang Patcharee, Frances Molina at Janine Marciano ang nagdala ng laban sa kanilang 17, 15 at 14 hits.

 

Show comments