MANILA, Philippines - Paiinitin pa ng Emilio Aguinaldo College ang kanilang laban sa ikaapat at huling puwesto sa Final Four sa pagharap sa Arellano Univesity sa pagpapatuloy ng 89th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
May 8-7 baraha ang Generals at sakaling manaig pa sa Chiefs sa ika-4 ng hapon na labanan, lalagyan nila ng pressure ang pahingang San Sebastian na siyang may tangan ng puwesto sa 8-6 baraha.
Sariwa ang tropa ni coach Gerry Esplana sa 85-83 panalo sa St. Benilde noong Huwebes at pihadong inspirado ang Generals na dugtungan pa ang panalo para gumanda ang posibilidad na makalaro sa unang pagkakataon sa semifinals sa pinakamatandang liga sa bansa.
“May oportunidad kaming makalaro sa Final Four at nasa amin ito kung paano namin hahawakan,†wika ni Generals coach Gerry Esplana.
Asahan naman na makikipagsabayan ang Chiefs na sa 5-9 baraha ay may katiting na tsansa pang umabante kung wawalisin ang nalalabing apat na laro.
Ang Letran ang susukat sa husay ng Blazers sa tampok na laro dakong alas-6 ng gabi.
Sa 11-3 baraha, ang makukuhang panalo ng Knights ay magbibigay daan para samahan na nila ang San Beda sa Final Four.
Kailangan ng tropa ni coach Caloy Garcia na manalo dahil sunod nilang makakaharap ay ang Perpetual Help na maaaring maggawad sa Knights ng mahalagang twice-to-beat advantage.
Dapat na magtrabaho pa rin ang Knights dahil ang Blazers ay natutulad sa sitwasyon ng Arellano matapos magkaroon ng iisang 5-9 baraha.