MAASIN CITY, Leyte, Philippines -- Nagtala si Karen Janario ng Leyte Sports Academy-Smart ng oras na 13.05 segundo sa girls’ 100-meter dash para kilalanin bilang pinakamabilis na atleta sa track and field event ng Philippine Sports Commission-Philippine Olympic Committee Batang Pinoy Visayas qualifying leg.
Ito ang ikalawang gintong medalya ng 14-anyos na si Janario makaraang manguna sa 100m hurdles sa oras na 15.58 segundo.
Ibinulsa naman nina Cebu City pride Ivan Miguel Santos at Jrict Ray Talicug ang kanilang tig-dalawang gold medals kagaya ni Palarong Pambansa champion Anjelica de Josef.
Pinitas ng 14-anyos na tubong Lezo, Aklan na si De Josef ang kanyan mga ginto sa 1,500m at 400m.
Kinolekta naman ni Santos, ang atletang kumuha ng unang gintong medalya sa kompetisyon noong Miyerkules, ang kanyang pangatlong ginto mula sa panalo sa boys 1,500m at 5,000m.
Si Talicug ang nagtakbo sa mga ginto sa boys century dash at 400m para sa 50 gold, 32 silver at 14 bronze medals ng Cebu City na sinusundan ng Bohol Province (22-32-14) sa medal tally.
Sinikwat naman ng host Maasin City ang kanilang ikalawang gintong medalya nang manalo ang kanilang futsal team kontra sa Baybay B, 2-0, sa Badian Gym.