Letran muling sasalo sa liderato ng NCAA

MANILA, Philippines -  Target ngayon ng Perpetual Help at Letran ang kanilang ika-11 panalo sa pagharap sa magkahiwalay na laro sa 89th NCAA men’s basketball sa The Are­na sa San Juan City.

Unang sasalang ang Altas kontra sa talsik ng Mapua sa ganap na alas-4 ng hapon, habang ang Knights ay sasagupa sa Emilio Aguinaldo College sa tampok na laro sa alas-6 ng hapon.

Nasa ikalawang puwesto ang Knights sa 10-2 ba­raha at ang makukuhang panalo ay magreresulta para makabalik sa pag­salo sa liderato ang tro­pa ni head coach Caloy Gar­cia sa pahingang San Beda na may 11-2 baraha.

Galing ang Letran sa 70-59 panalo sa Arellano at kailangan nilang ma­pa­natili ang tikas dahil ang EAC ay nangangailangan na manalo para manati­ling palaban sa Final Four.

May 5-7 baraha ang tro­pa ni coach Gerry Esplana at kasalo ang pahi­ngang Jose Rizal University na nasa ikalimang pu­westo sa team standing.

May apat na panalo sa huling anim na laro ang Generals at kahit galing sila sa 64-71 pagkatalo sa kamay ng Red Lions sa huling laro ay hindi maisasantabi ang kakayahan ng koponan na makapanggulat lalo na kung ma­lamya ang ipakikitang laro ng Knights.

Nanalo naman ang Al­tas sa Car­dinals sa unang ta­­gisan, 73-68, at may two-game winning streak din na haharap sa laba­nan.

Show comments