Free-throws ang nagpanalo sa Perpetual

MANILA, Philippines - Napatunayan uli ang kahalagahan ng free-throws sa ikapapanalo o ikatatalo ng isang koponan nang ito ang sinandalan ng University of Perpetual Help upang matakasan ang Arellano University, 82-80, sa 89th NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.

Kumonekta si Harold Arboleda sa kanyang dalawang buslo sa 15-foot line sa foul ni Ralph Chrysler Salcedo para basagin ang 80-all score may anim na segundo pa sa orasan.

Nagkaroon ng magandang tsansa ang Chiefs na paabutin sa overtime ang mahigpitang labanan matapos lapatan ng foul ni Justine Alano ang umata-keng si Canadian player Adam Jacob Serjue.

Pero nawalang-saysay ang oportunidad na ito dahil kinabahan si Serjue at nagmintis ang mahahalagang buslo upang igawad sa Altas ang tagumpay.

Si Nosa Omorogbe ay mayroong 26 puntos at 12 rebounds habang ang katuwang na si Juneric Baloria ay may 14 puntos. Si Earl Thompson ay naghatid ng 11 puntos sa pinakamagandang pag-lalaro matapos indahin ang pananakit ng likod at ang Altas ay nanalo sa ikatlong sunod na pagkakataon para saluhan uli sa pangalawang puwesto ang San Beda sa 8-2 baraha.

Ikapitong pagkatalo sa 10 laro ang nangyari sa Chiefs at nasayang ang ginawang pagbangon mula sa pitong puntos na pagkakalubog sa huling apat na minuto sa sablay na mga free-throws.

May 17 puntos at 8 rebounds si Keith Agovida para sa tropa ni coach Koy Banal na natalo kahit apat na Chiefs ang umiskor ng doble-pigura sa laro.

Nauna namang nagdomina ang junior team na Altalettes sa Braves, 72-54, para kunin ang ikaapat na panalo sa 10 laban at ipatikim sa huli ang ikawalong kabiguan sa dalawang panalo.

Dinurog naman ng CSB-LSGH Greenies ang Jose Rizal University Light Bombers, 78-62, para saluhan sa ikatlong puwesto ang Mapua Red Robins sa 7-3 baraha.

Ang JRU ay bumaba sa ikalimang puwesto sa ikaapat na pagkatalo matapos ang 10 laro.

Ang mga iskor:

First game (Juniors)

UPHSD 72 -- Imperial 22, Sison 16, Tan 9, Neri 9, Udal 8, Migote 3, Entrampas 3, Costanilla 2.

Arellano 54 -- Zamora 19, Juico 11, Rivera 9, Mascariñas 8, Balbarona 4, Paradela 2, Acsayan 1.

Quarterscores: 24-15, 35-25, 60-37, 72-54

Second game (Juniors)

LSGH (78) -- Rivero 22, Paras 16, Barrera 12, Dela Cruz 9, Ramilo 8, Gob 4, San Juan 4, Salonga 2, Lozada 1.

JRU 62 -- Dada 14, Adorio 11, Pallares 10, DelaVirgen 8, Marcial 7, Astrero 5, Bautista 3, Garcia 2, Estrella 2.

Quarterscores: 21-7, 39-24, 62-46, 78-62.

Third game (Seniors)

Perpetual 82 -- Omorogbe 26, Baloria 14, Thompson 11, Arboleda 9, Alano 9, Jolangcob 6, Elopre 3, Dizon 2, Bitoy 2,.

Arellano (80) -- Agovida 17, Hernandez 16, Caperal 14, Pinto 12, Nicholls 5, Salcedo 4, Bangga 4, Serjue 4, Jalalon 3, Gumaru 1.

Quarterscores: 21-19, 40-39, 59-53, 82-80.

 

Show comments