Prelude dinomina ang karera

MANILA, Philippines - Walang nakasabay sa ma­init na takbo ng Prelude para pangatawanan ang pagiging paborito sa ti­nakbuhang karera na nangyari noong Sabado sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Si RM Ubaldo ang si­yang hinete ng apat na ta­ong colt na pag-aaari ni Aris­teo Puyat para kunin ang panalo sa 1,300-metro distansya sa 3YO and Above maiden race.

Ito ang unang opisyal na takbo ng kabayo at pi­nangatawanan ang pa­gi­ging patok sa anim na nag­laban at ang tambalan ang pinagkatiwalaan ma­tapos ang panalo na ginawa sa novato race noong Hul­yo 13 sa pagdadala ni JE Apellido.

Ang Undisputable ang matiyagang sumunod sa malakas na ayre ng nanalong kabayo para malagay sa ikalawang puwesto ba­go tumawid ang second choice na Mama Pls Don't Cry.

Araw ng mga liyamado ang nangyari sa pista dahil ang mga patok ang mga kuminang kasama ri­to ang Heyday na dala ni Chris Garganta at nagdo­mina sa handicap Race A sa 1,300-metro distansya.

Lakas sa rematehan ang ipinakita ng Heyday nang makabangon ang tam­balan mula sa ikali­mang puwesto sa kalagit­na­an ng karera.

Sa huling kurbada ay hu­mabol na ang Heyday sa nangungunang Star Eli­za ni Ric Hipolito at sa rekta ay bumandera na pa­ra makapagtala ng halos da­lawang dipang layo sa na­katunggali.

Ang win ay mayroong P5.00 dibidendo, habang ang 4-1 forecast na tamba­lan ng mga paboritong  ka­bayo ay naghatid ng P14.00.

 

Show comments