Iran na ngayon ang pinapaborang manalo

MANILA, Philippines - Matapos talunin ang mga koponan sa tinatawag na ‘Group of Death’, lu-malabas na paborito ang wala pang talong Iran na magkampeon sa 27th FIBA-Asia Championships at makuha ang una sa dalawang tiket para sa FIBA World Cup sa Spain sa susunod na taon.

Tinalo ng Iran ang Malaysia, 115-25, para buksan ang kanilang kampanya sa FIBA-Asia noong nakaraang Huwebes.

Matapos ito ay binigo naman ng Iran ang Korea sa 76-65 kasunod ang China, 70-51.

Sa second round na magsisimula ngayon, inaasahang tatalunin ng Iran ang Kazakhstan, Bahrain at India at kung makukuha nila ang top seeding ay makakatapat nila ang No. 4 mula sa Groups A at B sa knockout quarterfinals. 

Ang No. 4 team ay maaaring ang Gilas Pilipinas o ang Qatar, Japan at Jordan kung masisikwat ng Chinese-Taipei ang No. 1 sa Groups A at B. 

Sinabi ni Barako Bull coach Rajko Toroman na walang koponan ang motivated sa 15-nation tournament.    Iginiya ni Toroman ang Iran para sa FIBA-Asia crown noong 2007 at nakuha ng natio-nal squad ang silya sa 2008 Beijing Olympics bilang premyo.

“They’ve been together as a unit for years,” sabi ng Serbian.  “I think there are only one or two players in the team whom I haven’t coached so the nucleus is virtually intact.  The Iranian federation realized how important chemistry is that they decided not to include Arsalan (Kazemi) in the lineup.”

Ang 22-anyos na si Arsalan, isang 6-7 forward, ay nakuha sa second round ng Washington Wizards sa 2013 NBA draft bago dinala sa Philadelphia.

Naglaro si Arsalan ng tatlong taon sa Rice University at nagtala ng double-double sa dalawang seasons hanggang lumipat sa University of Oregon para tapusin ang kanyang NCAA eligibility.

Sinasabing handa na siyang maglaro para sa Iran sa 2013 FIBA-Asia ngunit hinarang ito ng federation officials para hindi makaapekto sa laro ng Iran.

Ang Iran ay binabanderahan nina 7’2 Hamed Haddadi, 6’6 Samad Nikkhah Bahrami at 6’1 Mahdi Kamrani.

Show comments