MANILA, Philippines - Magbabalik sa ring si Ana ‘The Hurricane’ Julaton sa August 17 kontra sa sumisikat na si Celina Salazar sa Plaza de Toros sa Cancun, Quintana Roo, Mexico.
Kasalukuyan nang nasa intensibong training sa Las Vegas ang Fil-American boxer, nanggaling sa 2-sunod na panalo matapos makawala sa kanya ang WBO junior featherweight title nang mabigo kay Yesica Marcos noong nakaraang taon.
Hangad ni Julaton na makatatlong sunod na panalo upang magkaroon uli ng tsansang lumaban para sa titulo at posibleng laban kay IBF bantamweight champion Yazmin Rivas.
May mga usap-usapan na handa na si Julaton para hamunin si Rivas sa undercard ng Floyd Mayweather-Saul ‘Canelo’ Alvarez fight sa September ayon sa ulat ng fighthype.com.
Ngunit ayon sa 33-gulang na dating WBO at IBA world champion, hindi niya binabalewala ang 24-gulang na si Salazar na nais makabawi sa pagkatalo sa kanyang unang professional fight laban kay former WIBA flyweight champion Melinda Cooper noong nakaraang taon.
“Training is fantastic here in Las Vegas. The heat reaches to 120 deg-rees Fahrenheit which is why I’ve been training here since 2011 to help prepare me for Mexico’s weather when I fight outdoors,†sabi ni Julaton.
Pakiramdam ng Fil-American boxer, Luciana Bonifacio Julaton ang tunay na pangalan na taga- Pangasinan, ay lumalakas na ang kanyang power punching sa ilalim ng kanyang coach at adviser na si Angelo Reyes.